GAZA — Labindalawang katao ang nasawi sa serye ng airstrike ng Israel sa Gaza mula madaling araw ng Linggo, ayon sa civil defense agency ng teritoryo.
Sinabi ng ahensya na isa sa mga tinamaan ay isang tent ng mga bakwit sa Jabalia sa hilagang Gaza, habang may hiwalay pang strike sa Khan Yunis sa timog.
Limang katao ang nasawi at ilan pa ang nasugatan nang tamaan ng airstrike ang tent ng mga lumikas sa Jabalia. Lima pa ang napatay sa isa pang pag-atake sa Khan Yunis. Isa naman ang nasawi sa pambobomba sa Gaza City, habang isa pa ang napatay sa putok ng baril ng Israeli forces sa Beit Lahia.
Kinumpirma ng Al-Shifa at Nasser hospitals na nakatanggap sila ng hindi bababa sa pitong bangkay.
“Hindi naiintindihan ng Israel ang ceasefire o truce,” ani Osama Abu Askar, na nawalan ng pamangkin sa pag-atake sa Jabalia. Aniya, natutulog ang mga biktima nang mangyari ang strike.
Sa kabilang panig, sinabi ng isang opisyal ng militar ng Israel na isinagawa ang mga pag-atake bilang tugon sa umano’y paglabag ng Hamas sa umiiral na tigil-putukan.
Ayon sa opisyal, may namataang armadong militante na lumampas sa tinatawag na “Yellow Line” malapit sa puwesto ng Israeli troops, na itinuturing umanong tahasang paglabag sa kasunduan.
Itinanggi naman ng tagapagsalita ng Hamas na si Hazem Qassem ang alegasyon at iginiit na ang pag-target sa mga bakwit sa kanilang mga tent ay seryosong paglabag sa ceasefire.
Sa ilalim ng kasunduang nagkabisa noong Oktubre 10, umatras ang mga tropa ng Israel sa likod ng “Yellow Line” ngunit nananatili ang kontrol nito sa mahigit kalahati ng Gaza.
Ayon sa health ministry ng Gaza, hindi bababa sa 601 katao na ang nasawi mula nang magsimula ang truce. Samantala, sinabi ng Israel na apat sa kanilang sundalo ang napatay sa parehong panahon. RNT/JGC