Home METRO 12 pinalamutiang floats lumahok sa selebrasyon ng Independence Day

12 pinalamutiang floats lumahok sa selebrasyon ng Independence Day

MANILA, Philippines-  Labindalawang karosa o floats na pinalamutian ang nagparada ngayong hapon bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Quirino Grandstand.

Ang mga kalahok na floats ay mula sa iba’t ibang ahensya ng pambansang gobyerno at lalawigan na nagpakita ng mayamang kasaysayan ng Plipinas.

Itinampok sa aktibidad partikular na kwento ng 11 kaganapan na naglalarawan sa pambansang pakikibaka ng bansa para sa kalayaan mula sa pananakop ng mga dayuhan.

Sampung orihinal na sangay at departamento ng gabinete ng unang Republika ng Pilipinas ang  lumahok sa prusisyon.

Nak sentro ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”

Ang tatlong araw na aktibidad na ginanap sa Quirino Grandstand ay upang bigyang-pugay ang pamanang Pilipino na nakaangkla sa diwa at kalayaan at pagkakaisa.

Magkakaroon din ng konsyerto ngayong gabi sa Quirino Granstand.

Samantala, bantay-sarado pa rin ang ilang kalsada sa paligid ng Quirino Grandstand dahil sa nagpapatuloy na aktibidad para sa Independence Day.

Partikular na sarado pa sa motorista hanggang sa mga oras na ito ang kahabaan ng Kalaw Street, Maria Orosa Street, at kahabaan ng Roxas Bpulevard.

Bukod sa 1600 police personnel na ipinakalat sa paligid ng Quirino Grandstand, katuwang din ng Manila Police District (MPD) sa pagpapanatili ng seguridad ang Philippine Coast Guard (PCG) kung saan may mgai tinalagang K-9 units, Bureau of Fire Protection, Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at iba pa.

Sa ngayon, wala pang naiuulat na untoward incident sa nasabing aktibidad.

Sa kabila nito, naging malawak naman ang  aklaw ng “signal jam” kaya karamihan ay apektado sa kanilang mga signal at wifi connections. Jocelyn Tabangcura-Domenden