Home METRO Kilos-protesta umarangkada ngayong Independence Day vs agresyon ng Tsina sa WPS

Kilos-protesta umarangkada ngayong Independence Day vs agresyon ng Tsina sa WPS

MANILA, Philippines- Kasabay ng selebrasyon ng bansa ng 126th Independence Day, ilang grupo ang nagsagawa ng kilos-protesta upang tutulan ang agresyon ng China sa West Philippine Sea, maging “interventions” ng United States sa Pilipinas.

Nagtipon ang Bunyog Pagkakaisa Party sa harap ng gusali sa Makati City kungs saan matatagpuan ang Chinese Embassy, base sa ulat.

Sinabi ng grupo na dapat igiit ng Pilipinas ang soberanya nito sa West Philippine Sea, sa pagpabor ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague sa Pilipinas sa noong Hulyo 2016 nang ibasura nito ang nine-dash claim ng China sa South China Sea.

Ayon sa mga raliyista, hindi iginagalang ng China ang nasabing desisyon sa patuloy na harrasment nito sa mga mangingisdang Pilipino at pag-atake sa Philippine vessels sa maritime region.

Ipinanawagan din ng grupo ang pagbaba sa pwesto ni Vice President Sara Duterte dahil sa pananahimik nito sa agresyon ng China sa WPS.

Gayundin, iginiit ng Bunyog na dapat payagang makapasok ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas upang bigyang-hustisya ang mga biktima ng war on drugs ng Duterte administration.

Sa Maynila naman, nagmartsa ang ilang grupo sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa US Embassy bilang pagtutol sa “political and military interventions” ng Estados Unidos, na anila’y pinapayagan ng administrasyong Marcos.

Nagtalaga ng mga pulis upang banytayan ang seguridad sa lugar.

Isinara rin ang bahagi ng southbound lane ng Roxas Boulevard sa mga motorista dahil sa kilos-protesta. RNT/SA