Home METRO Barangay kagawad arestado sa panunutok, pagpapaputok ng baril

Barangay kagawad arestado sa panunutok, pagpapaputok ng baril

MANILA, Philippines- Inaresto ng pulisya ang 63-anyos na kagawad ng barangay matapos ireklamo sa panunutok at pagpapaputok ng baril sa Malabon City.

Kusang isinuko ni alyas “Kagawad Jaime” residente ng Karisma Village, Brgy. Panghulo, ang kanyang lisensiyadong kalibre .45 baril na may kalakip na “permit to carry outside residence” sa mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na rumesponde sa sumbong ng nagaganap na walang habas na pagpapaputok ng baril dakong alas-4 ng madaling araw sa Road 1, Karisma Village.

Sa imbestigasyon ng pulisya, may okasyon sa bahay ng 28-anyos na si alyas “Karl” sa Blk 4 kaya nagamit nila ang kalsada sa Road 1 para sa pag-iinuman ng mga bisita nang dumaan ang kagawad at sinita umano ang mga nag-iinuman.

Nagkaroon umano ng pagtatalo hanggang umuwi ang suspek at nang bumalik, dito na narinig ng mga residente sa lugar ang sunod-sunod na putok ng baril.

Nakuhanan pa ng video ng nakatatandang kapatid na babae ni “Karl” ang kagawad habang hawak ang baril at nagtatatalak sa harap ng bahay ng biktima.

Nakuha rin ng mga rumespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station-3 ang anim na basyo at dalawang depormadong bala ng kalibre .45 baril na dahilan upang arestuhin ang suspek.

Inihahanda na ng mga tauhan ni Col. Baybayan ang pagsasampa ng mga kasong Grave Threat at Alarm and Scandal laban sa kagawad ng barangay sa Malabon City Prosecutor’s Office. Rene Manahan