LEGAZPI CITY, Albay — Hindi bababa sa 12 pasahero ang nasugatan matapos makaladkad ang isang van ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa bayan ng Daraga sa Albay noong Sabado ng hapon, Hulyo 27.
Sinabi ni Major Ma. Luisa Tino, tagapagsalita ng Albay police, base sa imbestigasyon, ang pampasaherong van na minamaneho ni Larry Marilla, 35, ay tumatawid sa riles patungo sa Barangay Dinoronan nang aksidente itong mabangga at makaladkad ng halos 24 metro ng tren ng PNR sa Barangay Gapo bandang 2:30 p.m.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga pasahero ng van, at dinala sa pinakamalapit na ospital.
Ang pampasaherong tren, na minamaneho ni Jade De Jesus, ay bumibiyahe mula sa bayan ng Sipocot patungong Legazpi City.
Walang pasaherong nasaktan mula sa tren ng PNR. RNT