MANILA, Philippines – Pinarangalan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang 12 sundalo ng Army sa kanilang katapangan laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Norte.
Sa pagbisita ni Brawner nitong Hunyo 19 sa headquarters ng 901st Infantry Brigade sa Sta. Cruz, Placer, Surigao del Norte, iginawad niya ang Gold Cross Medal, Silver Cross Medal, at Military Merit Medal sa dalawang opisyal at sampung enlisted personnel ng Philippine Army.
Ang pagkilalang ito ay matapos ang matagumpay na operasyon ng mga tropa sa Placer na nagresulta sa pagkakapatay ng limang miyembro ng NPA, kabilang ang isa sa pinaka-wanted na lider ng rebeldeng grupo sa rehiyon ng Caraga.
Pinuri ni Brawner ang dedikasyon at sakripisyo ng mga sundalo at hinimok silang manatiling matatag sa pagtupad sa kanilang tungkuling panatilihin ang kapayapaan sa rehiyon.
“Our focused military operations, supported by good governance and the cooperation of our people, have significantly weakened the NPA… the AFP is now gradually shifting focus to territorial defense,” ani Brawner.
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sina Major General Michele Anayron Jr., commander ng 4th Infantry Division, at Brigadier General Arsenio Sadural ng 901st Infantry Brigade.
Layon ng pagbisita ni Brawner na itaas ang morale ng mga sundalo na patuloy na nakikipaglaban sa natitirang pwersa ng NPA sa Caraga. RNT/JGC