MANILA, Philippines – Kabuuang 123 na tauhan mula sa Philippine Coast Guard (PCG) ang lalahok sa isang trilateral maritime exercise kasama ang United States Coast Guard (USCG) at Japan Coast Guard (JCG) sa Kagoshima, Japan, dalawang linggo mula ngayon.
Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang send-off ceremony para sa crew ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) na ginanap sa PCG Headquarters sa Port Area, Maynila nitong Biyernes, Hunyo 6.
Ayon sa PCG, gaganapin ang pagsasanay mula Hunyo 16 hanggang 20, na layuning palakasin ang koordinasyon at interoperability sa pagitan ng tatlong maritime agencies.
Isa sa mga highlight ng aktibidad ay ang Search and Rescue Exercise (SAREX) na isasagawa sa karagatan ng Kinko Bay, kung saan magkakaroon ng mga simulated distress scenarios tulad ng:
Pagsagip sa mga pasahero mula sa tumaob na sasakyang-dagat
Pagtugon sa maritime emergencies gaya ng aksidente sa dagat
Bukod dito, kasama rin sa mga drill ang:
-Communication exercises
-Maneuvering drills
-Photo exercises
-Maritime law enforcement training
-Passing exercises
Ayon pa sa PCG, kinikilala nito ang mahalagang kontribusyon ng USCG at JCG sa pagpapahusay ng kasanayan at kakayahan ng kanilang mga tauhan, sa pamamagitan ng mga human resource development programs.
Nakatakdang dumating ang BRP Teresa Magbanua, isang 97-meter multi-role response vessel, sa Kagoshima Port sa Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ang aktibidad na ito ay magsisilbing ikalawang trilateral maritime exercise na pinagsaluhan ng PCG, USCG, at JCG. Jocelyn Tabangcura-Domenden