Home NATIONWIDE Kaalyado ni PBBM sa Senado, kontra sa impeachment kay VP Sara –...

Kaalyado ni PBBM sa Senado, kontra sa impeachment kay VP Sara – Imee

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Bagama’t walang inilalabas na pormal o opisyal na pahayag, inihayag ng isang mahigpit na kaalyado ng pamilya Duterte na tutol na rin sa impeachment trial si­lang halos lahat ng kakampi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Senado.

Mismong si Senadora Imee Marcos ang nagsabing may ilang kaalyado ng Pangulo na nais ibasura ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng lumalakas na panawagan ng taumbayan na panagutin siya sa umano’y paglulustay ng pondo ng bayan.

Ayon kay Marcos, may hinala siyang may mga grupo mula sa hanay ng administrasyon na tahimik na kumikilos upang hadlangan ang pag-usad ng 7 Articles of Impeachment laban kay Duterte—kahit pa, aniya, sapat at malinaw ang ebidensiyang hawak ng prosecution panel.

“Ang pakiramdam ko, ang mismong administrasyon ay may mga grupo na nagsasabi na huwag na ituloy at baka mapahiya lang sa numero,” ani Marcos.

Hindi pinangalanan ni Marcos ang mga partikular na senador o kaalyado ng gobyerno, ngunit inamin niyang may ilan nang nagpapahayag ng pangamba na kung itutuloy ang buong proseso ng impeachment trial ay maaaring magresulta lamang ito sa acquittal ni Duterte.

Kamakailan, ibinunyag ng ilang civil society groups na isa sa mga dahilan kung bakit tila hinaharang sa Senado ang pag-usad ng kaso ay dahil mabubuksan umano ang lahat ng bank account ng mag-amang Sara at Rodrigo Duterte, na may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot sa mga sindikato.

“’Di ba mas mahirap, mas nakakahiya kapag nagkaroon ng paglilitis at matalo?” dagdag pa ni Marcos.

Kinumpirma rin ng senadora na maraming bersyon ng resolusyon ang kumakalat sa Senado na ang layunin ay ibasura ang impeachment complaint.

Isa sa mga ito ay inawtor ni Senador Ronaldo “Bato” Dela Rosa.

“Marami kasing draft na pinapakita sa amin, kanya-kanyang ideya… Yung nilabas sa media, parang ikatlo na ‘ata ‘yon. Tapos mula noon, meron pa akong nakitang iba—dalawa pa yata,” ani Marcos.

Dagdag pa niya, hindi lamang kay Dela Rosa nagmula ang mga resolusyon.

“Iba-iba. Di ko nga alam kung sino, kasi nga nag-uusap-usap kami sa floor, ilalatag, isusulat, kung anong maayos.”

Sa kasalukuyan, sinabi ni Marcos na ang mga senador ay naghahanap ng “solusyon” sa sitwasyon. Kabilang sa mga opsyon ay ang:

Pagpapadala ng complaint sa 20th Congress

Pormal na pagbuo ng impeachment court

O ang tuluyang pagbabasura ng reklamo.

Ernie Reyes