MISAMIS ORIENTAL – Patay ang isang 13-anyos na lalaki matapos na pagsaksakin umano ng 14-anyos na suspek na sinasabing kasamahan niya sa isang gang sa Tagoloan.
Base sa imbestigasyon ng pulisya na gusto nang umalis ng biktima sa kanilang gang dahil na rin sa dating alitan nito sa suspek.
“Nagkaroon na ng alitan ang dalawang ito, itong ating CICL (Child in Conflict with the Law), sinubukan niyang saksakin ang biktima noon… hindi lang siya napuruhan… nagdesisyon ang ating biktima na umalis sa kanilang grupo,” ayon kay Tagoloan Municipal Police Station Chief Police Major Dennis Serrano.
“Sa grupo ng CICL, sampu sila lahat na pawang menor de edad laban sa biktima… noong oras na nagkasuntukan na sila, doon na nasaksak nang tuluyan ang biktima,” patuloy ni Serrano.
Hustisya naman ang panawagan ng pamilya ng biktima.
“Ang mga grupong ‘yan, kailangan, kung totoong may gang-gang sila, at kung maaari, tulungan natin silang magkahiwalay dahil wala namang mabuting idudulot yan,” ayon sa tiyuhin ng biktima.
Nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad na suspek. RNT