MANILA, Philippines – Pormal na tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 13 genetaror sets mula sa gobyerno ng Japan upang suportahan ang kanilang mga operasyon sa karagatan at kakayahan sa pagtugon sa mga sakuna.
Tinanggap ito ni Rear Adm. Rommel Supangan, commander ng Marine Environmental Protection Command (MEPCOM), mula kay Japanese Embassy Minister Naobumi Yokota noong Marso 6 sa Coast Guard National Headquarters sa Port Area, Maynila.
Nagpasalamat si Supangan, na kumatawan kay PCG Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan, sa tulong ng gobyerno ng Japan at sinabing ipinapakita nito ang patuloy na kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa larangan ng maritima.
Ayon sa PCG, ang mga generator ay gagamitin sa pang-araw-araw na operasyon sa pantalan at magsisilbing backup power sa panahon ng emergency.
Ayon sa PCG, bukod sa pang-araw-araw na operasyon, magsisilbing mahalagang kagamitan ang mga ito sa mga emergency—magbibigay ng kuryente sa mga lugar na limitado ang local grids, susuporta sa disaster relief efforts, at titiyak ng operational capability sa mga liblib na lugar.
Ang mga generator ay bahagi ng Japan Grant Aid Program, na nagpopondo sa mga kagamitan at imprastraktura para sa mga kaalyadong bansa. Ayon kay Minister Yokota, ang maaasahang supply ng kuryente ay makakabawas sa pasanin ng PCG personnel, na magpapahintulot sa kanila na mas epektibong protektahan ang buhay at kaligtasan sa karagatan.
Naipamahagi na ang mga generator sa ilang distrito ng bansa. Sa mga nakaraang taon, pinalawak ng Pilipinas at Japan ang kanilang kooperasyon sa maritima sa pamamagitan ng pondo mula sa Japan para sa mga proyekto ng PCG tulad ng mga barko, surveillance systems, training support, at maritime infrastructure. Jocelyn Tabangcura-Domenden