Home NATIONWIDE 13 party-list nabigong magsumite ng SOCE sa Comelec

13 party-list nabigong magsumite ng SOCE sa Comelec

MANILA, Philippines — Nabigong magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang 13 party-list groups sa Commission on Elections (Comelec) matapos ang katatapos na 2025 midterm elections.

Batay sa datos ng Comelec, sa kabuuang 154 party-list na lumahok sa halalan, 141 lamang ang nakapaghain ng SOCE sa itinakdang deadline noong Hunyo 11.

Samantala, 61 sa 64 kandidato sa pagkasenador ang nakapagsumite na rin ng kanilang mga ulat sa Comelec, habang 25 sa 28 political parties ang nakasunod na rin sa regulasyon.

Ayon sa Comelec, ang mga nabigong magsumite ay maaaring patawan ng multa mula ₱1,000 hanggang ₱30,000 para sa unang paglabag. Para naman sa ikalawa o higit pang paglabag, maaaring maharap sa multang ₱2,000 hanggang ₱60,000 at perpetual disqualification mula sa pagtakbo o pag-upo sa anumang posisyon sa pamahalaan.

Ang pagsusumite ng SOCE ay mandato ng Republic Act No. 7166, na naglalayong tiyakin ang transparency at pananagutan sa mga gastusin sa kampanya ng mga tumatakbo sa halalan.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)