Home NATIONWIDE P1.6B pondo inilaan ng DA pangtugon sa sirit-presyo ng baboy — Malacañang

P1.6B pondo inilaan ng DA pangtugon sa sirit-presyo ng baboy — Malacañang

MANILA, Philippines – Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P1.6 bilyon upang ipatupad ang mga hakbang na layong pababain ang tumataas na retail prices ng baboy, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, gagamitin ang pondo sa pagbili ng 13,000 finishers at 30,000 breeders sa ilalim ng Hog Repopulation Program ng ahensya.

Layon ng programa na makapag-produce ng hanggang isang milyong finishers habang hinihintay ang paglabas ng bakuna kontra African Swine Fever (ASF), ani Castro.

“Tumutugon po ang DA, at mayroon pong programa tungkol sa Hog Repopulation Program at ang pag-rollout ng ASF vaccine,” aniya.

Dagdag pa niya, “Ilan lamang po ito sa mga hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng baboy sa kasalukuyan.”

Ang inisyatiba ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin para sa mga mamimili.

Nauna nang inanunsyo ng DA ang planong ibalik ang maximum suggested retail price (MSRP) ng baboy bilang tugon sa patuloy na pagsirit ng presyo sa merkado.

Noong Mayo 15, binawi ng DA ang dating itinakdang MSRP sa kahilingan ng mga stakeholders. Sa ilalim nito, itinakda ang presyo ng “liempo” sa P380 kada kilo, “kasim” at “pigue” sa P350, at “sabit-ulo” sa P300.

Batay sa datos ng DA-Bantay Presyo, as of May 28, ang presyo ng pork ham (kasim/pigue) sa Metro Manila ay nasa pagitan ng P350 hanggang P430 kada kilo, habang ang pork belly (liempo) ay pumapalo mula P370 hanggang P480 kada kilo. Kris Jose