Home NATIONWIDE SOCE ng mga kandidato target i-post online ng Comelec

SOCE ng mga kandidato target i-post online ng Comelec

MANILA, Philippines — Kinokonsidera ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang paglalathala online ng mga Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kandidato, party-list groups, at political parties upang mapalakas ang transparency at accountability ng mga lumahok sa halalan.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maaaring i-upload sa website ng Comelec ang mga SOCE sa loob ng dalawang linggo, ngunit kailangan muna ng approval mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa isasagawang vulnerability assessment ng online platform.

“Kapag nakita ng publiko na may mali o kakulangan sa isang SOCE, maaari itong i-report sa aming Political and Finance Affairs Department upang agad naming mapag-aralan at maimbestigahan,” ani Garcia.

Ang huling araw ng pagsusumite ng SOCE para sa mga lumahok sa May 12 midterm elections ay noong Hunyo 11.

Batay sa pinakahuling datos ng Comelec:

25 sa 64 na senatorial candidates

10 sa 28 political parties

64 sa 154 party-list groups
ang nakapagsumite pa lamang ng kani-kanilang SOCE.

Binalaan naman ni Garcia ang mga kandidato at partido na ang kabiguang makapagsumite ng SOCE sa dalawang magkasunod na halalan ay magreresulta sa perpetual disqualification mula sa pagtakbo sa anumang pampublikong posisyon.

Bukod pa rito, ang hindi pagsusumite ng SOCE ay maaari ring magresulta sa kasong administratibo at kriminal, ayon sa Comelec. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)