Home NATIONWIDE Body cam rules inilabas ng NPC para sa data privacy

Body cam rules inilabas ng NPC para sa data privacy

MANILA, Philippines — Naglabas ng bagong alituntunin ang National Privacy Commission (NPC) hinggil sa pagproseso ng personal na data na kinokolekta gamit ang body-worn cameras at mga kahalintulad na kagamitan, upang matiyak ang proteksyon ng data privacy at karapatang pantao.

Sa isang pahayag, sinabi ni NPC Commissioner John Henry Naga na layon ng panuntunan na tiyaking ang paggamit ng mga teknolohiya para sa transparency at pananagutan ay hindi mauuwi sa hindi makatwirang pagsubaybay o panghihimasok sa pribadong buhay ng mga mamamayan.

Ang nasabing gabay ay nakasaad sa NPC Circular No. 2025-01, na naglalatag ng malinaw na legal na batayan para sa pagproseso ng personal na data, gayundin ng mga mahigpit na hakbang sa seguridad, tulad ng secure storage, safekeeping, access control, at kabuuang pamamahala ng recordings at metadata.

Binibigyang-diin ng circular ang obligasyon ng mga law enforcement agencies na gumamit ng body-worn cameras “transparently, fairly, and lawfully,” lalo na sa mga sensitibong operasyon gaya ng pagpapatupad ng search warrants.

Nilinaw rin ng NPC na ang pagrerekord ng mga indibidwal sa pampubliko o pribadong espasyo—lalo na kung ito ay ina-upload, ine-stream, o kinikita—ay maituturing na personal data processing.

Dahil dito, kailangang tiyakin ng mga content creator na:

-May sapat na impormasyon at paunang abiso sa mga taong nasa video;

-May malinaw na privacy notice sa kanilang platform;

-Nagsasagawa ng image masking o blurring kung kinakailangan;

-Bukas sa kahilingan sa pagtanggal o paggalang sa privacy ng mga indibidwal na itinatampok sa kanilang content. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)