Home NATIONWIDE DOTr, BI, at MIAA sanib-pwersa para pagbutihin serbisyo sa NAIA

DOTr, BI, at MIAA sanib-pwersa para pagbutihin serbisyo sa NAIA

MANILA, Philippines — Lumagda sa isang kasunduan ang Department of Transportation (DOTr), Bureau of Immigration (BI), at Manila International Airport Authority (MIAA) noong Miyerkules upang mapahusay ang karanasan ng mga pasahero sa pamamagitan ng pag-streamline ng mga proseso sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang memorandum of agreement ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaas ang kalidad ng serbisyo sa mga pangunahing paliparan ng bansa upang umabot sa internasyonal na pamantayan.

Sa ilalim ng kasunduan, papahintulutan ng DOTr ang paglalaan at pagbabayad ng Immigration Service Charge (ISC) sa BI upang mapondohan ang pagtatalaga ng karagdagang immigration officers na magsasagawa ng overtime duties—mga tungkuling hindi saklaw ng 2025 General Appropriations Act.

Tiniyak naman ng BI ang pagbibigay ng 24/7 immigration services upang suportahan ang MIAA sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo at akomodasyon sa mga pasahero, alinsunod sa pandaigdigang pamantayan.

Bilang bahagi ng kasunduan, obligadong magsumite ang BI ng buwanang certified number at listahan ng mga immigration officers na naka-assign sa NAIA Terminals 1 at 3.

Gagamitin naman ng MIAA ang mga awtorisadong koleksyon para pondohan ang ISC—alinman sa anyo ng overtime pay o honoraria—ayon sa itinatakdang rates at alituntunin ng Civil Service Commission (CSC) at iba pang kaugnay na batas at regulasyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)