Home NATIONWIDE Agri trade sa Egypt palalawigin ng Pinas

Agri trade sa Egypt palalawigin ng Pinas

205
0

MANILA, Philippines – Hangad ng Pilipinas na mapalawak pa ang agricultural trade sa Egypt, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa Department of Agriculture (DA).

“They already granted us access for durian. We are hopeful they will do the same for our mangoes and bananas,” pahayag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang kalatas.

Bilang bahagi ng bilateral cooperation, plano rin ng DA na payagan ang pagpasok ng ubas at patatas mula Egypt, gayundin ang sourcing ng bawang at sibuyas. Kalakip nito ang palitan ng impormasyon at pagbibigay ng technical assistance.

Ayon sa DA, kasalukuyang isinasapinal pa ang pest risk assessment (PRA) para sa Egyptian grapes at ware potatoes bago tuluyang mapayagan ang pag-aangkat.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagpupulong nina Secretary Tiu Laurel at Egyptian Ambassador Nader Nabil Zaki noong Hunyo 5.

Noong Mayo, nakatanggap ng opisyal na clearance ang Pilipinas para mag-export ng fresh durian sa Egypt, matapos ang mahigit dalawang taong technical review at bilateral coordination sa pagitan ng DA at Bureau of Plant Industry (BPI) na nagsimula pa noong 2023.

Sa kasalukuyan, nananatiling “modest” ang kabuuang halaga ng agricultural trade sa pagitan ng Pilipinas at Egypt, na tinatayang nasa USD7.5 milyon kada taon. Kabilang sa pangunahing export ng bansa sa Egypt ang desiccated coconut at carrageenan, habang umaangkat naman ang Pilipinas ng broths, soups, at dried kidney beans mula rito.

Bukod sa Egypt, patuloy din ang pagsusumikap ng bansa na palawakin ang agricultural trade sa iba pang merkado. Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa New Zealand para sa durian export, at ang kauna-unahang komersyal na shipment ng fresh mangoes patungong Italy. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here