Home METRO 1,300 parak sa Gitnang Luzon magbabantay sa Pista ng Hesus Nazareno

1,300 parak sa Gitnang Luzon magbabantay sa Pista ng Hesus Nazareno

MANILA, Philippines – Nasa 1,300 pulis sa Central Luzon ang nakatakdang ipadala para masiguradong ligtas at maayos ang pagdiriwang ng pista ng itim na Nazareno sa Maynila sa Enero 9.

Ayon kay PBGEN Redrico Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ipoposisyon ang mga pulis sa Quirino Grandstand para sa tradisyunal na “Pahalik” at sa iba’t ibang entry at exit points sa Metro Manila.

“Ang layunin ng deployment na ito ay tiyakin ang kaligtasan, seguridad at kapayapaan ng lahat ng dadalo sa aktibidad,” ani Maranan.

Bilang suporta sa NCRPO, binigyang-diin ni Maranan ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga kapulisan upang matiyak ang tagumpay ng seguridad sa kapistahan.

“Ang PRO3 ay nakahandang tumulong sa NCRPO sa pagsiguro ng kaayusan at kaligtasan ng Pista ng Itim na Nazareno.Ang ating pagkakaisa at aktibong koordinasyon ay susi upang maging maayos at ligtas ang pagdiriwang na ito,” anang heneral.

Sinasabing bagama’t walang nakikitang seryosong banta sa naturang okasyon, iginiit ng pulisya ang kanilang kahandaan. Dick Mirasol III