MANILA, Philippines – Mahigit 13,000 tirahan sa siyam na island barangay sa Carles, Iloilo ang makikinabang mula sa government-funded na
P388-million electrification project, na sinimulan na sa Barangay San Fernando, Sicogon Island nitong Biyernes, Marso 7.
Ang proyekto ay magsisimula sa Barangay Daculan, Estancia patungong Barangay Manlot, Carles, sa cable connection na may habang 2,400 metro.
Ikokonekta naman ng ikalawang segment ang Manlot hanggang Barangay Talingting Calagnaan Island na may habang 700 metro, habang ang huling segment ay magdurugtong sa Punta Batuanan at Calagnaan Island sa Barangay San Fernando, Sicogon Island, sa habang 1,400 metro.
Nakatakdang makumpleto ang proyekto sa loob ng 170 calendar days.
Pinangunahan nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Ayala Land Inc. special advisor of the Board Fernando Zobel de Ayala ang groundbreaking ceremony.
Nilahukan sila nina Iloilo 5th District Rep. Raul Tupas, Iloilo City Lone District Rep. Julienne Baronda, board member Binky April Tupas, Iloilo III Electric Cooperative Inc (ILECO III) general manager lawyer James Balsomo II at iba pang lokal na opisyal.
Ang three-segment submarine cable interconnection project ay ang “single largest rural electrification project” sa ilalim ng Total Electrification Program ng Department of Energy (DOE).
Popondohan ito sa ilalim ng Barangay Line Enhancement Program (BLEP) ng National Electrification Administration (NEA), na ipatutupad ng ILECO III.
Ani Romualdez, ang proyektong ito ay hindi lamang isang simpleng electrification project dahil inaasahang mapabubuti nito ang mga negosyo, makahihikayat ng mga turista, lilikha ng trabaho at mas maayos na edukasyon.
“Hindi biro ang proyektong eto. Napakahirap ang hamon pero sa tulong ng Iloilo III Electric Cooperative, Ayala Group, mga local officials, at humigit sa lahat sa inyong suporta, nagawa nating maisakatuparan ito,” sinabi pa ni Romualdez.
Kasalukuyang umaasa ang mga residente ng siyam na island barangay sa solar at generator. RNT/JGC