Manila, Philippines — Matagumpay na nasagip ng Manila Police District (MPD) ang isang 14-anyos na dalagita mula sa umano’y human trafficking sa pamamagitan ng ikinasang entrapment at rescue operation sa isang hotel sa Binondo, Lungsod ng Maynila.
Ayon sa ulat ng Women and Children Concern Section (WCCS) ng MPD-District Investigation and Detective Management Division (DIDMD), nakipag-ugnayan sa kanila ang magulang ng biktima mula Caloocan City upang isumbong ang diumano’y pangbubugaw ng isang suspek na kinilalang si Mary Grace Rivera Santos, 18 taong gulang.
Lumabas sa imbestigasyon na ibinubugaw umano ni Santos ang menor de edad sa mga kliyente, kabilang ang mga dayuhang Chinese nationals, kapalit ng pera.
Kaagad isinailalim ang biktima sa medical at psychological exams sa Philippine General Hospital (PGH) bago ito inilipat sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWD).
Ikinasa ang entrapment operation matapos makipag-ugnayan si Santos sa isang kliyente noong Hunyo 19 para sa bookings kinabukasan. Ayon sa mga awtoridad, isang Wenlang Xu, 42, Chinese national at residente ng Binondo, ang humiling ng dalawang babae.
Sa tulong ng building administrator, sinalakay ng mga operatiba ang Room 6006 ng Le Chamber Hotel at dinakip ang parehong suspek—si Santos at si Xu.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at nasa kustodiya na ng pulisya. Patuloy namang mino-monitor ng MSWD ang kalagayan ng biktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden