Home METRO 14 arestado sa P47.52M ilegal yosi sa Cavite

14 arestado sa P47.52M ilegal yosi sa Cavite

1
0

CAVITE, Philippines – Arestado ang 14 na indibidwal matapos makumpiska ang tinatayang P47.58 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na sigarilyo sa Barangay Poblacion 1A, Ternate, Cavite noong Oktubre 7, 2026.

Sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Highway Patrol Group (HPG) at Ternate Municipal Police Station bandang alas-6 ng umaga.

Kabilang sa mga naaresto ang 13 lalaki at isang babae na pawang mga driver at helper ng limang sasakyang sinita at ininspeksiyon ng mga awtoridad. Narekober sa mga ito ang 793 master case ng hinihinalang ilegal na sigarilyo at kinumpiska rin ang limang sasakyan.

Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang operasyon nang sitahin ng HPG Special Operations Division ang mga sasakyan dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code.

Sa isinagawang inspeksiyon, nadiskubre ang mga kahon ng sigarilyong hinihinalang ilegal dahil sa kawalan ng kinakailangang tax stamp ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at graphic health warning sa mga pakete.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng mga nakumpiskang produkto. Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.

Binigyang-diin ng CIDG ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law at Republic Act No. 8424 o Tax Reform Act of 1997 upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko at mapalakas ang sistema ng pagbubuwis sa bansa.

Pinuri ng pamunuan ng CIDG ang pangunguna ni PCOL Ganaban C. Ali, regional chief ng CIDG Regional Field Unit 4A, at ni PLTCOL Mark Jason M. Gatdula ng CIDG Cavite Provincial Field Unit, kasama ang iba pang yunit ng pulisya, sa operasyon.

Ayon sa CIDG, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan at mga gawaing nakapipinsala sa ekonomiya ng bansa. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here