Home NATIONWIDE 14 biktima ng human trafficking nasagip sa Zamboanga

14 biktima ng human trafficking nasagip sa Zamboanga

MANILA, Philippines- Nasagip ng mga awtoridad ang 14 biktima, kasama ang walong menor-de-edad, matapos silang tangkaing ipuslit patungong Malaysia noong Pebrero 10, 2025 mula sa Zamboanga City.

Pinangunahan ni Assistant City Prosecutor Alfredo E. Jimenez, Jr. ang Zamboanga Sea-Based Anti-Trafficking Task Force (ZSBATTF) sa isang rescue operation. Nahuli ang dalawang suspek na kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) – Western Mindanao.

Natukoy na kilalang human trafficker ang isa sa mga suspek at dati na rin niyang nabiktima ang ilan sa mga nasagip. Katulad ng modus sa iba pang mga kasong ginagamit ang ruta sa Visayas at Mindanao, pinangakuan ang mga biktima ng trabaho na may malaking sweldo sa Malaysia at binigyan sila ng mga pekeng dokumento ng dalawang akusado upang gamitin sa kanilang paglalakbay.

Inendorso sila sa DSWD upang mabigyan nang kaukulang tulong pinansyal at tulong para makabalik sila sa kanilang mga tahanan at komunidad.

Naging matagumpay ang pagsagip sa mga biktima dahil sa pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno: NBI-Western Mindanao, DOJ-IACAT Region IX, Zamboanga City Police Office, Department of Migrant Workers Region IX, PCTC-Western Mindanao, DSWD IX at CSWDO, Philippine Coast Guard, at mga opisyal ng Barangay Talon-Talon.

Ang insidenteng ito ay isa lamang sa mga kaso ng trafficking na may kinalaman sa paggamit ng ruta sa gawing timog ng Pilipinas. Sa lalong pagpapaigting ng Bureau of Immigration sa inspeksyon sa mga paliparan, mas lalong tumaas ang bilang ng mga kaso ng traffickers na gumagawa ng pekeng dokumento upang makalabas ng bansa gamit ang mga ilegal na ruta.

Panawagan ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty sa mga nagbabalak na magtrabaho abroad na huwag agad maniwala sa ipinapangakong “too good to be true” na traba: “Kadalasan hindi sila nakakalusot sa [legal exits], kaya sila doon dumadaan sa mga tinatawag nating “southern backdoor exits.”

“Doon pa lang, dapat alam ninyo nang alanganin ‘yon. Kung magttrabaho ka sa ibang bansa ay kailangan dumaan sa proseso ng ating mga batas, at kasama na roon ang pag-secure ng permit mula sa DMW (Department of Migrant Workers),” wika ni Usec Ty.

Hinihikayat ng IACAT ang publiko na manatiling maging mapagmatyag sa mga nag-aalok ng mga kahina-hinalang trabaho online at iulat sa 1343 Actionline ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa human trafficking. Teresa Tavares