MANILA, Philippines – Ligtas ang lahat ng 14 na Pilipinong tripulante ng Singapore-flagged container ship na MV Maersk Valparaiso matapos itong mabangga ng oil tanker na Lady Martina sa Onne Bonny River sa Nigeria noong Mayo 20.
Kinumpirma ito ng Department of Migrant Workers (DMW) sa isang Facebook post nitong Linggo.
Ayon sa DMW, agad na nagpatupad ng emergency response procedures ang Nigerian Maritime Administration and Safety Agency katuwang ang piloto ng barko at iba pang awtoridad matapos ang insidente.
Ito na umano ang ikalawang maritime collision sa loob lamang ng dalawang araw kaya muling nagpaalala ang DMW sa mga maritime stakeholder na tiyakin ang kaligtasan ng mga barkong may sakay na mga Pilipinong seafarer.
Patuloy rin umanong mino-monitor ng DMW ang sitwasyon ng mga Pilipinong tripulante sa iba’t ibang ruta sa buong mundo. RNT/MND