Home METRO 14 pulis sa Cavite inireklamo ng panggagahasa, pagnanakaw sa dalagita

14 pulis sa Cavite inireklamo ng panggagahasa, pagnanakaw sa dalagita

299
0

CAVITE, Philippines – Labing-apat na pulis na nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit (SOU) 4A sa Calabarzon region ang inakusahan ng panggagahasa at pagnanakaw sa isang 18-anyos na Grade 9 student na nagtatrabaho rin bilang online seller sa Bacoor City, Cavite.

Hindi pa ibinunyag ng mga awtoridad ang buong detalye, ngunit kinumpirma ni PBGen. Paul Kenneth Lucas, regional director ng Calabarzon PNP ang nangyaring insidente at nagsasagawa na ngayon ng masusing imbestigasyon.

Ang mga opisyal na nahaharap sa mga reklamo ay may mga ranggo mula sa patrolman, police corporal, at police master sargeant hanggang police lieutenant.

Sa isang follow-up operation, walo sa mga opisyal ang inaresto ng Bacoor City Police Station, Regional Intelligence Division, Regional Headquarters Support Unit, at Regional Mobile Force Battalion.

Dinala sila sa kustodiya sa tanggapan ng PDEG SOU 4A sa loob ng Camp Vicente Lim sa Calamba City, Laguna, bandang alas-2 ng madaling araw noong Linggo.

Sa isang pahayag, iginiit ni Acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., na hindi kukunsintihin ng organisasyon ang anumang uri ng pang-aabuso o maling pag-uugali, lalo na sa mga pinagkatiwalaan ng kaligtasan ng publiko.

Sa reklamong inihain ng biktima, base sa police report, dakong alas-7:45 ng umaga noong Sabado nangyari ang insidente.

Nasa labas ng kanyang bahay ang biktima sa Barangay Talaba 3, Bacoor City, gamit ang kanyang cellphone nang biglang dumating ang mga armadong lalaki at nagpakilalang mga pulis mula sa Canlubang.

Walang pasabi, inagaw umano ng isa sa mga lalaki ang kanyang telepono at puwersahang kinaladkad papasok ng bahay.

Pagkatapos ay hinalughog umano ng mga opisyal ang buong bahay habang hinahanap ang nobyo ng biktima, na sangkot umano sa iligal na droga.

Kinuha umano ng mga opisyal ang dalawang gintong singsing at cellphone ng biktima, kasama ang mga telepono ng iba pang nasa bahay. Kinuha rin nila ang sapatos, cap, motorsiklo, at helmet ng kanyang kasintahan.

Nang hindi nila mahanap ang dapat nilang target, sinabi umano ng isa sa mga opisyal na kailangan nilang isama ang biktima.

Ngunit isa pang opisyal ang iniulat na namagitan, na nagsasabing “aalagaan siya.” Pagkatapos ay inutusan niya ang iba pang mga opisyal na lumabas ng silid, isara ang pinto, at i-lock ito. Pagkatapos ay pinilit umano ng opisyal ang biktima na magsagawa ng oral sex bago ipilit ang sarili sa kanya.

Ang lola ng biktima ay nasa itaas habang ang insidente, at pagbaba niya, nakita niya ang mga opisyal na naroon pa rin, at ang kanyang apo na nanginginig sa takot.

“Hindi maidentify ang mukha nila kasi nga nakamask, kapag nakamask mata lang yung makikita,” saad ng lola.

“Natrauma yung apo ko, pagbaba ko, sabi ko ano nangyari sa iyo, wala siyang sinasagot, yung iyak niya walang imik,” dagdag niya.

Matapos isagawa ang pananakit, umalis umano ang mga suspek.

Tinulungan ng isang kapitbahay ang biktima na iulat ang krimen sa Bacoor City Police, na agad namang nagsagawa ng follow-up operation na humantong sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek sa Camp Vicente Lim.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga baril at bala ng mga suspek. Narekober din nila ang ninakaw na cellphone at motorsiklo ng biktima. Nakuha rin mula sa mga naarestong opisyal ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 86 gramo at tinatayang nasa ₱584,800. Narekober din ang boodle money at dalawang plaka ng sasakyan.

Patuloy ang follow-up operations para arestuhin ang anim pang pulis na sangkot.

Inilunsad na rin ng National Police Commission o NAPOLCOM ang kanilang imbestigasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here