Bulacan – Arestado ang 14 indibiduwal habang nasa mahigit P177,000 halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya nitong Abril 6 at 7 sa lalawigang ito.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, naaresto ang 39 anyos na suspek, residente ng Brgy. Tumana.
Ayon sa ulat ng pulisya, ikinasa ang operasyon laban sa target bandang 5:30 ng hapon noong Abril 6 sa Brgy. San Gabriel.
Nabatid na naaktuhang nagbebenta ang target ng hinihinalang shabu sa operatibang nagpanggap na poseur buyer kaya agad inaresto ng mga pulis sa lugar.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 7.0 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang aabot sa P47,600 at buy-bust money.
Samantala, sa ulat ng Calumpit, San Rafael, San Ildefonso, Bocaue, San Miguel, Hagonoy, Paombong at DRT police station, naaresto ang nasa 13 drug suspects kasabay ang pagkakasabat ng 19.11 gramo ng hinihinalang shabu na umabot sa halagang P129,948 at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa istasyong humuli sa kanila. Dick Mirasol III