MANILA — Umabot sa ₱361 milyon ang naipamahaging emergency assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 14,000 Pilipino sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program nitong unang buwan ng 2026.
Batay sa datos ng Crisis Intervention Program, kabuuang ₱361,119,371 ang naipagkaloob sa 14,738 benepisyaryo na tinulungan sa Crisis Intervention Unit satellite office sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita Irene Dumlao, patuloy ang mataas na pangangailangan para sa tulong ng pamahalaan, at may ilang benepisyaryo pang nagmula sa labas ng Metro Manila.
“Based on our record, more than 14,000 beneficiaries were granted assistance in our Commonwealth Avenue satellite office in January 2026 alone. Ang iba sa kanila ay galing pa sa ibang rehiyon, hindi lamang sa National Capital Region,” aniya.
Sa kabuuang bilang, 5,512 indibidwal ang nabigyan ng guarantee letters na nagkakahalaga ng ₱320,995,371 para sa bayarin sa ospital at iba pang gastusing medikal. Samantala, 9,203 ang tumanggap ng outright cash assistance na umabot sa ₱40,124,000, habang 23 ang nabigyan ng referral services.
Pinakamalaki ang bahagi ng medical assistance, kung saan 12,857 indibidwal ang nakinabang at mahigit ₱347 milyon ang naipamahagi.
“Majority of our beneficiaries na nagtungo sa ating satellite office, medical assistance po ang kanilang hiningi. Nasa 12,857 individuals po ang nabigyan ng medical assistance at umabot na po sa mahigit P347 million ang naipamahagi nating tulong sa kanila,” ani Dumlao.
Sumunod ang food assistance na nakinabang ang 1,080 indibidwal na may kabuuang ₱6,879,500, at funeral assistance para sa 741 indibidwal na nagkakahalaga ng ₱6,068,000. Nagkaloob din ng transportation assistance na ₱189,000 sa 33 benepisyaryo at cash relief assistance na ₱35,000 sa apat na indibidwal.
Ayon kay Dumlao, maaaring lumapit sa DSWD Crisis Intervention Units, SWAD offices, at satellite offices ang mga nangangailangan ng agarang tulong.
“Tuloy-tuloy po tayo sa pamamahagi ng AICS para po sa mga kababayan natin na nangangailangan ng agarang tulong para matugunan ‘yung kinakaharap nilang problema. Kailangan lang na kumpleto ang mga requirements na kanilang dala sa ating mga regional or satellite offices, at within the day ay makukuha na rin nila ang kanilang mga guarantee letters or cash assistance,” aniya. Santi Celario