ILOILO CITY — Naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay nang matagpuan ang isang punong barangay sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng San Joaquin.
Kinilala ang biktima na si Richard Sapalo, 53-anyos, chairman ng Barangay Ginot-an.
Batay sa report ng San Joaquin Municipal Police Station, dakong 10:00 p.m. noong Miyerkules nang umuwi ang biktima sa kanyang bahay at bandang 2:00 a.m. nang may narinig na putok sa kanyang kuwarto.
Ayon sa pulisya, nakitang patay si Sapalo nitong Huwebes ng umaga na may tama ng bala sa bibig at tiyan.
Ngunit hindi umano ito pinansin ng mga kasama sa bahay sa pag-aakalang may nahulog lang na bagay sa sahig.
Dakong 5:30 a.m. nang madiskubre ang duguang katawan ng biktima.
“Based sa ating investigation, sa likod ng bahay dumaan ang perpetrators at pumasok sa kaniyang silid. Ang likod ng bahay, hindi naka-lock, at ang silid ay wala ring lock,” ayon kay Police Captain Isagani Tabares, officer in charge ng San Joaquin Municipal Police Station.
Napag-alaman din na nakatanggap si Sapalo ng banta sa buhay nitong nakaraang Enero sa pamamagitan ng tawag sa radyo.
“Nag-greet ako ng Happy New Year sa mga residente, sa barangay council. ‘Kap, happy condolence, Kap.’ Medyo bata pa ang kaniyang boses,” kuwento ni Barangay Ginot-an Councilwoman Lilybeth Locsin.
Kasunod ng natanggap na banta, pansamantalang tumuloy si Sapalo sa kaniyang kapatid. Nitong Pebrero umano nang muling bumalik sa kaniyang bahay ang biktima.
“Mga isang buwan siguro doon siya natutulog, doon siya umuuwi. Umuuwi lang siya dito tuwing araw. Wala naman siyang kaaway,” ayon sa kapatid ng biktima na si Marie Momla.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen. /Mary Anne Sapico