Home HOME BANNER STORY 15 lugar tustado sa malaimpiyernong damang-init

15 lugar tustado sa malaimpiyernong damang-init

112
0

MANILA, Philippines — Umabot sa danger-level heat index ang Metro Manila at 15 iba pang lugar sa bansa nitong Lunes, Abril 27, matapos maitala ang matinding init na nasa pagitan ng 42°C hanggang 46°C, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Pinakamataas ang naitalang heat index sa Dagupan City, Pangasinan at Puerto Princesa City, Palawan na parehong nasa 46°C, sinundan ng Sangley Point sa Cavite City na may 45°C.

Nasa 43°C naman ang naitala sa San Jose, Occidental Mindoro; Aborlan at Cuyo sa Palawan; Iloilo City; at Butuan City sa Agusan del Norte.

Pumasok din sa danger level ang Metro Manila matapos magtala ang NAIA sa Pasay City ng 42°C heat index. Kaparehong antas din ang naitala sa Bacnotan, La Union; Aparri, Cagayan; Baler, Aurora; Iba, Zambales; Cubi Point sa Subic Bay Olongapo City; Catarman, Northern Samar; at Zamboanga City.

Ayon sa PAGASA, ang danger-level heat index na mula 42°C hanggang 51°C ay may mataas na panganib ng heat cramps, heat exhaustion, at posibleng heat stroke, lalo na kung matagal na nakabilad sa labas.

Ipinaliwanag ng ahensya na ang heat index ay tumutukoy sa init na nararamdaman ng katawan batay sa pinagsamang air temperature at relative humidity.

Sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio na inaasahang magpapatuloy ang mainit at maalinsangang panahon sa malaking bahagi ng bansa dahil sa mainit na hanging mula sa Pacific Ocean o easterlies. Gayunman, maaari ring dumalas ang thunderstorms na magdadala ng pag-ulan lalo na tuwing hapon o gabi. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here