Home METRO 15 nasagip mula sa human trafficking

15 nasagip mula sa human trafficking

ZAMBOANGA CITY- Nasagip ng Philippine Navy at iba pang ahensya sa joint law enforcement operations mula Hunyo 20 hanggang 21 ang 15 indibidwal na muntik nang mabiktima ng human trafficking.

Nailigtas sila pagdating sa Bongao, Tawi-Tawi port sakay ng tatlong vessels – ang MV Trisha Kerstine II, MV Everqueen of Asia, at PB Lady Mera.

Mula sila sa Zamboanga Peninsula, Sulu, at Butuan City at patungo umano sa Sabah sa pamamagitan ng southern backdoor.

Ayon sa mga pulis, wala silang angkop na mga dokumento na nagpapatunay na legal ang kanilang paglalakbay. Pinangakuan umano ang mga ito ng trabaho sa kanilang destinasyon.

Inilarawan sila ng social worker na nag-interview sa kanila na potensyal na illegal entrants  na maaaring mabiktima ng human trafficking.

Dinala sila sa Tawi-Tawi Maritime Police Station para sa profiling at dokumentasyon at kalaunan ay itinurn-over sa  Ministry of Social Welfare para sa counselling at stress debriefing.

Isinagawa ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) ang operasyon sa pamamagitan ng kanilang naval intelligence operatives, katuwang ang Philippine National Police (PNP) Tawi-Tawi,  Philippine Air Force intelligence operatives, at ang Local Government Unit-Local Council Against Trafficking and Violence Against Women and Children (LGU-LCAT VAWC) at Municipal Inter-Agency Council Against Trafficking (MIACAT). RNT/SA