Home NATIONWIDE Mataas na presyo ng kamatis posibleng tumagal ng isa ‘gang dalawang linggo

Mataas na presyo ng kamatis posibleng tumagal ng isa ‘gang dalawang linggo

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes na bababa ang tumataas na presyo ng mga kamatis sa loob ng isang linggo o dalawa kasunod ng kasalukuyang ani.

Ayon sa DA Bantay Presyo nitong Lunes, ang mga kamatis sa Metro Manila ay ibinebenta sa halagang P120 hanggang P180 kada kilo.

“Iyong kamatis, ang harvest ay magdadatingan ang maraming volume,” sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam.

Paliwanag pa ni De Mesa, ang kasalukuyang pagtaas ng presyo ay dahil sa pagkaantala ng ani sa Nueva Vizcaya at sa epekto ng Bagyong Aghon noong Mayo.

“Mayroong konti na na-delay ang iyong ani, kagaya dun sa Norte. Pero doon sa ibang area na nagtatanim, Central and Southern Luzon, ay okay naman,” ayon pa sa opisyal.

“Natandaan din natin na nagkaroon ng delay dahil sa mga bagyo at saka iyong pag-uulan lalo na dun sa Southern Tagalog,” sabi ni De Mesa.

Idinagdag niya na bagama’t mas mataas ang presyo sa merkado ng mga kamatis sa panahon ng tag-ulan, maaaring nasa pinakamataas na ang PHP160/kg na karaniwang presyo.

“Hindi na siguro tataas, ito na iyon, kasi alam nila na marami na rin parating,” sinabi pa nito. Santi Celario