Home NATIONWIDE 3rd fingerprint record ni ‘Alice Guo’ ‘di tugma sa Bamban mayor –...

3rd fingerprint record ni ‘Alice Guo’ ‘di tugma sa Bamban mayor – NBI

MANILA, Philippines – Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na ang ikatlong fingerprint record ng isang “Alice Guo” mula 2005 ay hindi tumugma sa fingerprints ni suspendido Bamban Mayor Alice Guo.

Ayon sa NBI, sa nakalipas na halos 20 taon, si Alice Guo ay kumuha ng NBI clearance sa Project 8, Quezon City.

Gayunman, nang inspeksyunin, natuklasan ng awtoridad na walang rekord ng isang Alice Guo na nakatira sa lugar.

Sinabi ni Santiago na tinitignan pa rin ng NBI ang motibo ng pangatlong indibidwal at kung siya ay inutusan na kumuha o mag-aapply ng clearance.

Hiniling din ni Santiago sa publiko na magtungo sa ahensya kung may anumang impormasyon sa babae sa NBI clearance.

Nauna nang sinabi ng NBI na nagbigay na ito ng detalye ng fingerprints mula 2005.

“Meron pang isang Alice Guo na kumuha ng clearance in 2005. Remember that yung [alien certificate of registration] niya na naka-file sa amin is 2006. Kumuha si Alice Guo 2021 ng clearance. Merong kumuha ng clearance 2005, Alice Guo din,” paliwanag ni Santiago.

Kamakailan lamang ay natuklasan ng NBI na si Guo at Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay pareho ang fingerprints.

Si Guo ay sentro ngayon ng imbestigasyon sa pagsalakay sa POGO hub sa Bamban, Tarlac matapos lumabas na personal itong may kinalaman sa pagproseso ng dokumento para sa operasyon.

Paulit-ulit niyang itinanggi ang pagiging isang mamamayang Tsino, at sinabing siya ay isang Pilipino na ipinanganak ng isang ama na Intsik at isang ina na Pilipino.

Noong Martes, hinimok siya ni Senator Sherwin Gatchalian na “ilantad ang mga pangunahing manlalaro” sa mga ilegal na POGO sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden