UKRAINE – Hindi bababa sa 15 katao ang nasawi at 130 ang nasugatan, kabilang ang 23 bata, matapos tamaan ng Russian drones ang isang shopping mall sa Kryvyi Rih, central Ukraine, nitong Biyernes, Agosto 21.
Ayon kay Oleksandr Hanzha, pinuno ng Dnipropetrovsk regional military administration, kabilang sa mga nasawi ang mga biktima ng pag-atake sa shopping center, na sinundan umano ng isa pang drone strike habang isinasagawa ang rescue operations.
Tinawag ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na “terrorist acts” ang pag-atake at sinabing tutugon ang Ukraine sa insidente.
Bukod sa Kryvyi Rih, apat na katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi sa hiwalay na Russian attack sa Mykolaiv region, habang dalawang babae naman ang namatay sa pag-atake sa Kharkiv region.
Ayon sa Ukrainian Air Force, 107 sa 135 drone na inilunsad ng Russia overnight ang kanilang na-intercept o napigilan.
Naganap ang mga pag-atake isang araw matapos bombahin ng Russia ang Kyiv gamit ang mga missile at drone, na ikinasawi ng 16 katao.
Samantala, iniulat din ang mga pag-atake ng Ukrainian drones sa loob ng Russia.
Isang katao ang namatay at apat ang nasugatan sa Belgorod region, habang tinamaan din umano ang isang oil refinery sa Perm at isang military airfield sa Volgograd. RNT/JGC