MANILA, Philippines- Umabot na sa 15 inidbidwal ang nasawi mula sa pinagsamang epekto ng Tropical Storm Enteng (international name Yagi) at southwest monsoon o “habagat.”
Sa isang situation briefing na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) office sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Operations Service Director Cesar Idio na ang lalawigan ng Rizal ang may pinakamataas na death count sa walo.
Nakapagtala naman ang Cebu City, Northern Samar, at Naga City ng tig-dalawa habang ang Negros Occidental ay nakapagtala ng isang nasawi.
Maliban dito, 21 katao ang napaulat na nawawala habang 15 katao naman ang sugatan.
“These are still subject for validation, Mr. President,” ang sinabi ni Idio kay Pangulong Marcos.
Iniulat din ni Idio na may kabuuang 1,720,568 indibidwal o 442,804 pamilya ang naapektuhan ni Enteng, ang Bicol region ang pinakaapektadong lugar sumunod ang Central Luzon, Eastern Visayas, at Metro Manila.
Si Enteng ang dahilan ng P350.85 milyong halaga ng pinsala sa agriculture sector, na may 13,623 magsasaka na apektado at nakapagtala ng malaking bilang ng production loss na 14.814 metric tons sa 8,893 ektarya ng agricultural areas ng palay, mais at high-value crops.
“A total of PHP33 million worth of food and non-food items have been distributed to the typhoon victims,” ayon kay Idio.
Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naghanda na ito ng karagdagang food packs sa bodega nito sa buong bansa para dagdagan ang kanilang suplay.
Tinuran ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ito’y paghahanda na rin sa paparating na mga bagyo.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa publiko na mananatiling nakaalerto ang gobyerno sa gitna ng masamang panahon.
“We are continuing to monitor all the situations everywhere. Hopefully pagdaan nitong weather system na ito, makapunta tayo at makapag-provide ng assistance,” pahayag pa niya.
Sa kabilang dako, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa mga ahensya ng pamahalaan na maghanda para sa posibleng pagbaha sa mga lugar na malapit sa water reservoirs at hiniling sa weather bureau na panatilihing updated ang report nito sa dam at flood situations.
“While Severe Tropical Storm Enteng is already out of the Philippine Area of Responsibility (PAR), parts of the country may still experience torrential rain,” ang sinabi ng Pangulo.
“Although Enteng is still dropping rainfall, this is another aspect of the flood control that we have to deal with. We might have to deal withkung patuloy pa rin ang pag-ulan na mabigat ay kailangan — baka mapilitan tayo na magbitaw ng tubig. So, let’s watch that closely. We’ll keep up to date on that,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Samantala, dalawang tropical cyclones ang maaaring pumasok sa bansa sa susunod na linggo.
Ito ang iniulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa naturang miting.
Ito naman ang dahilan kay pinaalalahanan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na manatiling alerto. Kris Jose