Home NATIONWIDE PhilHealth: 30% dagdag sa benefits rates ikakasa sa pagtatapos ng taon

PhilHealth: 30% dagdag sa benefits rates ikakasa sa pagtatapos ng taon

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nitong Miyerkules na tataas ang rate ng mga benefit package nito ng 30% pa bago matapos ang taon.

Inihayag ito ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa panukalang budget ng Department of Health (DOH) para sa 2025.

Sinabi ni Ledesma na sa kasalukuyan ay pinoproseso ang pag-aaral hinggil sa karagdagang rate.

“So before the year ends, we will have another round of 30% [increase], so that we’ll leave a total of 60% or more than 50% increase, almost across the board,” dagdag pa niya.

Noong Pebrero 14 ng taong ito, nagpatupad ang state health insurer ng hanggang 30% na pagtaas sa lahat ng benefit case package nito para mabawasan ang out-of-pocket na gastusin para sa mga Pilipinong nag-aavail ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan gamit ang PhilHealth.

Sa ilalim ng Circular No. 2024-0001, pinagtibay ng PhilHealth ang inflation adjustment factor na 30% para sa mga kasalukuyang rate ng kaso upang isaalang-alang ang mga pagbabago sa presyo sa nakalipas na dekada.

Itinaas din ng PhilHealth ang premium o kontribusyon ng miyembro sa 5% ngayong taon alinsunod sa batas ng Universal Health Care.

Matatandaang sinabi ni Ledesma na irerekomenda ng ahensya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bawasan ang kontribusyon ng mga miyembro sa pondo.

Gayunman, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na mas gusto niyang pagbutihin ang benefit packages para mabawasan ang out-of-pocket na gastusin sa pagpapagamot ng mga Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden