MANILA, Philippines- Sinabi ng isang homeowners association (HOA) sa Parañaque City nitong Miyerkules na patuloy pa rin umano ang operasyon ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs sa komunidad sa kabila ng pagbabawal dito.
Inihayag ni Julio Templonuevo, presidente ng Multinational Village HOA, na nabawasan na ang POGO operations sa kanilang lugar kasunod ng pagbabawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“We think partially may effect pero hindi pa 100% kasi may existence pa,” ani Templonuevo sa Kapihan sa Manila Bay.
“Generally, malaki ang improvement ng pronouncement…Since may government directive, medyo okay na. Malakas na ang loob ng homeowners na magsumbong,” dagdag niya.
Base kay Templonuevo, ilang Chinese ang nagrenta kamakailan sa residential units sa Multinational Village upang gamitin bilang POGO structures. Umabot umano ang upa sa P500,000 kada buwan bago ito bumaba sa P200,000 hanggang P300,000 kada buwan.
“Ito educated guess, una ‘yung location napakalapit dito. Napaka-convenient. 5 minutes nasa airport ka na,” pahayag ni Templonuevo.
“Napili ‘yung sa’min na malaki ang area dahil they can accommodate more people kasi ‘yung surrounding namin basically low-cost housing ‘yan eh,” dagdag niya.
Sa ikatlo niyang State of the Nation Address, ipinag-utos ni Marcos ang pagbabawal sa lahat ng POGOs sa bansa. RNT/SA