MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang agarang rehabilitasyon ng Mabila Port sa Balut Island, Davao Occidental matapos itong matinding masira sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa rehiyon noong Lunes, Hunyo 8.
Ayon kay Lopez, ang pagkukumpuni sa pantalan ay alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na agad ayusin ang mga nasirang imprastraktura upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at tuloy-tuloy na paggalaw ng kalakalan.
“Talagang matindi ang natamong pinsala ng pantalan, kaya kailangang maayos, ma-rehab natin ito agad para sa mga kababayan natin sa Balut Island (The port sustained significant damage; it needs to be fixed, and we’ll rehabilitate this for the people of Balut Island),” pahayag ni Lopez.
Ayon sa Philippine Ports Authority, nagtamo ng matinding pinsala ang Mabila Port, kung saan naputol sa ilang bahagi ang causeway at apron nito.
Inatasan ni PPA General Manager Jay Santiago ang Port Management Office of General Santos City na inspeksyunin ang structural integrity ng natitirang pasilidad ng pantalan at pangasiwaan ang rehabilitasyon ng nasirang causeway at apron.
“Although partially operable ‘yung pantalan, kailangan i-check pa rin at agarang maayos ‘yung mga sira kasi nakasalalay dito ‘yung kaligtasan ng mga kababayan natin sa Balut Island. Hindi dapat ma-kompromiso ‘yun (Although the port is partially operational, we need to check for damages and fix them because the safety of the people of Balut Island is at stake. We can’t compromise that),” ani Santiago.
Sinabi ni PPA spokesperson Eunice Samonte na operational ang lahat ng PPA ports maliban sa General Santos Port, kung saan inilipat muna sa Port of Malalag ang mga biyahe habang isinasailalim sa inspeksyon ang pasilidad.
Ayon kay Samonte, nagpapatuloy ang passenger at cargo transportation upang hindi maapektuhan ang economic activity ng rehiyon at kabuhayan ng mga residente sa Mindanao. Mary Anne Sapico