BACOLOD CITY — Arestado ang isang 18-anyos na Grade 12 student matapos makuhanan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Taculing noong Hunyo 10.
Kinilala lamang ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ang suspek sa alyas na “Bords.” Narekober mula sa kanya ang tinatayang 160 gramo ng hinihinalang shabu.
Ayon sa suspek, nakuha niya ang kontrabando mula sa isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Sinabi ni Police Lt. Richard Legada, assistant CDEU team leader, na umano’y nagsimula lamang sa ilegal na pagbebenta ng droga ang estudyante noong nakaraang buwan upang makatulong sa pagpapagamot ng kanyang ina na may sakit.
Batay sa imbestigasyon, kumikita umano ang suspek ng P1,000 sa bawat limang gramo ng shabu na kanyang naibebenta.
Itinuring siyang high-value individual ng mga awtoridad at kasalukuyang nakakulong sa Police Station 6 habang nahaharap sa kaukulang kaso. Mary Anne Sapico