Home METRO 15 tulak, 4 ‘bumabatak’ sa kasagsagan ng bagyong Enteng timbog sa Bulacan

15 tulak, 4 ‘bumabatak’ sa kasagsagan ng bagyong Enteng timbog sa Bulacan

Bulacan – Arestado ang 19 na pinaghihinalaang tulak habang nakasamsam ng mahigit P320,000 halaga ng iligal na droga at baril sa magdamagang buy-bust operation ng pulisya sa lalawigang ito.

Ayon kay PCOL. Satur Ediong, OIC, Bulacan police, ikinasa ang operasyon ng Santa Maria police station laban kay alyas Poring, 42, construction worker bandang 5:30 ng hapon nitong Miyerkules, Setyembre 4 sa Brgy. Caysio.

Nakumpiska sa operasyon ang anim na sachets na pinaghihinalaang shabu na tumimbang ng nasa 36.0 gramo, na may standard price P234,000.00, caliber .38 revolver na kargado ng tatlong bala at buy-bust money.

Huli rin ang 14 pinaghihinalaang tulak sa buy-bust operation ng Plaridel, Norzagaray, Calumpit, San Ildefonso, Doña Remedios Trinidad, Pandi, Paombong at Calumpit police station.

Narekober sa operasyon ang kabuuang 34 sachets na pinaghihinalaang shabu na may standard price P89,488.00 at buy-bust money.

Kaugnay nito, nadakma rin sa kaparehong operasyon ng Marilao police station ang apat na indibiduwal na umanoy aktuwal na “bumabatak” sa Brgy. Loma de Gato.

Nasamsam sa operasyon ang cut-open plastic sachet na may pinaghihinalaang shabu, aluminum foil strip, rolled foil tooter at dalawang disposable lighter.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa mga istasyong humuli sa kanila. Dick Mirasol III