Home NATIONWIDE 150 Pinoy na apektado ng LA wildfires aayudahan ng PH gov’t

150 Pinoy na apektado ng LA wildfires aayudahan ng PH gov’t

MANILA, Philippines – Nakatatanggap na ng ayuda mula sa pamahalaan ng Pilipinas ang nasa 150 Filipino na apektado ng malawakang wildfire sa Los Angeles, California.

Sa pahayag nitong Sabado, Enero 18, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na ang 150 Pinoy ay nakatatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng Philippine Consulate sa LA, sa suporta ng Migrant Workers Office (MWO) sa naturang lugar.

Ani Cacdac, ang mga Filipino na apektado ay mga permanent residents o green card holders sa Los Angeles at wala sa hurisdiksyon ng DMW.

“We are under a one-country team approach sa Consulado natin sa LA, and we fully support the efforts of our Consul General there, and our Migrant Workers Office is providing support to relief operations formed by the Consulate,” sinabi pa ni Cacdac.

Siniguro naman ng DMW na patuloy nitong minomonitor ang sitwasyon sa pamamagitan ng MWO nito at “it stands ready in extending its full support to Filipinos” sa mga nasalanta ng wildfire.

Nagpapatuloy din ang koordinasyon sa pagitan ng MWO at Filipino community sa Los Angeles “to ensure a swift and coordinated response if help is needed.” RNT/JGC