MANILA, Philippines – Susuportahan ng Republic of Korea ang konstruksyon ng road network sa gilid ng Laguna Lake.
Magbibigay ang Export-Import Bank of Korea (KEXIM) ng $905.26 million official development assistance (ODA) loan para sa Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) Project Phase 1 Stage 1, ayon sa anunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Sabado, Enero 18.
Ang pondong ito ay susuporta sa implementasyon ng civil works para sa LLRN Phase 1 Stage 1, isang flagship initiative sa ilalim ng Build Better More program ng Marcos administration.
Isinagawa ang ceremonial exchange ng loan agreement nitong Biyernes, Enero 17, sa opisina ng Department of Finance (DOF) sa Maynila.
Ang event ay dinaluhan nina KEXIM Executive Director Um Sung-Yong, Public Works Secretary Manuel Bonoan, Korea Ministry of Economy and Finance (MOEF) First Vice Minister Kim Beom-Seok, at DOF Undersecretary Joven Balbosa.
Ang Phase 1 Stage 1 ng proyekto ay may habang 7.94-kilometer na kalsada, kabilang ang 6.81 kilometro ng tulay o viaduct, 1.13 kilometro ng embankment, tatlong interchange at 1.92 kilometrong slip roads.
Nakatakdang magsimula ngayong taon ang civil works para sa proyekto, at inaasahang makukumpleto sa 2029.
Sa oras na makumpleto, inaasahang mapalalakas nito ang ekonomiya at pag-unlad sa Calabarzon Region at mas malaking bahagi ng National Capital Region. RNT/JGC