Home NATIONWIDE Courier na nag-uwi ng maling bangkay ng OFW sa Pilipinas, kakasuhan ng...

Courier na nag-uwi ng maling bangkay ng OFW sa Pilipinas, kakasuhan ng DMW

MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Department of Migrant Workers (DMW) ang paghahain ng reklamo laban sa courier o service provider na responsable sa mishandling ng pagpapauwi ng labi ng nasawing overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Ang labi ni OFW Jenny Sanchez Alvarado ay dumating na sa Pilipinas noong Huwebes, Enero 16, isang linggo matapos na makatanggap ang pamilya ng maling bangkay na mula sa katrabaho nitong Nepali.

Dahil dito ay nagdududa ang pamilya ni Alvarado kung talagang bang maayos ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Kuwait.

“Doon sa aspeto ng nagkaroon ng pagkakamali sa labi na inuwi a week before around January 15, pinatitingnan ko na rin sa ating abogado sa Kuwait kung ano ang kasong maisasampa natin sa potential liability nung service provider para magkaroon naman tayo ng kalinawan at possible compensation doon sa nangyari na issue ng maling pagpapauwi ng cadaver,” sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.

Sinabi ni Cacdac na nagpaliwanag umano ang service provider sa pamamagitan ng liham at sinabing ang Kuwaiti authorities ang nag-pangalan bago ito iturn-over sa kanila.

Wala rin umanong pamilya ang naroon sa lugar para kumpirmahin ang labi kung kaya’t umasa lamang sila sa mga awtoridad sa Kuwait.

“At sa puntong ‘yun shinip niya na yung remains,” dagdag ni Cacdac.

Iginiit ng DMW chief na inaalam na nila ang posibleng legal na hakbang tungkol dito.

“Pinatitingnan natin sa abogado natin and in due time we will file the appropriate claim and legal action with respect to the legal liability of the provider,” aniya.

Sa ulat, sinabi na si Alvarado ay namatay dahil sa suffocation ngunit duda rito ang pamilya ng biktima at kahina-hinala rin umano ang pahayag ng katrabaho nito.

Sinasabi na si Alvarado, kasama ang katrabahong Nepalese at Sri Lankan, ay nasawi sa suffocation dahil sa coal smoke inhalation.

“Nakauwi na rin sa wakas si Jenny Sanchez Alvarado at dinala sa funeral home at kahapon nagkaroon ng autopsy ang NBI (National Bureau of Investigation). Kasi ang gusto natin dito ay tingnan kung ano ba talaga ang nangyari, kung ano ang sitwasyon ng kanyang labi. Kaya’t we want to… look into whether there was foul play doon sa kanyang pagkasawi kaya’t nagkaroon ng NBI autopsy kahapon,” ayon sa DMW chief.

Inaasahan naman na ilalabas na sa mga susunod na araw ang findings ng NBI. RNT/JGC