MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong menor de edad na estudyante matapos makuhanan ang mga ito ng marijuana sa isang paaralan sa Balayan, Batangas.
Sa report ng Philippine National Police (PNP), sinabi na naaresto ng Balayan Municipal Police Station ang mga suspek na edad 15-taong gulang at mga residente ng barangays Lanatan, Dalig, at Gimalas sa Balayan.
Sa ulat, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa head teacher ng Balayan National High School bandang 5:20 ng hapon nitong Biyernes, kung saan nahulihan umano ang tatlong estudyante ng marijuana.
Agad na nagtungo ang pulisya sa paaralan para imbestigahan ang insidente.
Ayon sa report, nakita ng guro ang dalawa sa mga suspek na naghahanda na para gumamit ng marijuana.
Isa naman sa mga suspek ang agad na tumakbo palabas, habang ang iba ay naiwan sa comfort room kasama ang guro.
Dito na kinompronta ng guro ang mga estudyante tungkol sa kanilang ginagawa at sumagot ang suspek na sila ay gagamit sana ng marijuana.
Isinuko naman ng isa sa mga estudyante ang mga ebidensya sa guro.
Sa principal’s office ay itinurn-over ng mga opisyal ng paaralan ang mga estudyante kasama ang isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng suspected dried marijuana leaves at seeds, at isang piraso ng improvised glass tube.
Nakipag-ugnayan na ang Balayan Municipal Police Station sa Municipal Social Welfare and Development Office ng munisipalidad at nasa kustodiya na ng children in conflict with the law (CICL). RNT/JGC