Home NATIONWIDE 1,500 Kadiwa stores sa buong bansa, target ng PBBM admin ‘gang 2028

1,500 Kadiwa stores sa buong bansa, target ng PBBM admin ‘gang 2028

MANILA, Philippines – TARGET ng administrasyong Marcos na magkaroon ng 1,500 Kadiwa stores sa buong bansa sa taong 2028.

Kaya nga ang pangako ng gobyerno ay paghusayin ang food accessibility and affordability, kasabay ng pagpapalawak sa Kadiwa ng Pangulo Program.

Binigyang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang kahalagahan ng kamakailan lamang na kasunduan sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at Philippine Postal Corporation (PHLPost), na nagpataas sa presensiya ng Kadiwa stores sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa ilalim ng kasunduan, titiyakin ng DA ang availability ng ‘ligtas at de kalidad na agricultural products’ habang ang PHLPost naman ay magkaaloob ng ‘operational spaces’ at pasilidad sa post office branches nito sa buong bansa.

“Ibig sabihin, mula sa anim na post office na dati nang nag-host ng Kadiwa pop-up stores, palalawakin na ito sa 67 post office sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao,” ang sinabi ni Castro.

Aniya pa rin, ang sanib-puwersa ng DA at PHLPost ay mapakikinabangan hindi lamang ng mga consumers kundi maging ng mga manggagawa ng PHLPost at lokal na komunidad.

“Nakikita natin na malaking tulong ito hindi lang sa postal workers kundi sa buong komunidad na nasasakupan ng mga post office,” aniya pa rin. Kris Jose