MANILA, Philippines – TINULIGSA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lumalagong ‘culture of aggression’ at karahasan sa lansangan habang tinutugunan niya ang tumataas at nag-viral na road rage incidents na nagresulta sa physical confrontations at ilang kaso ng pagkamatay.
“Ang tatapang na nating lahat, siga na ang lahat,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang bagong vlog.
“Ano na ba ang kultura na ito na pagiging siga sa daan? Saan ba natin nakuha ito?,” aniya pa rin.
Ang pahayag na ito ng Chief Executive ay dahil sa serye ng marahas na alitan sa kalsada na nakunan ng video at malawak na ibinahagi sa social media.
“Ang lisensiya sa pagmamaneho ay isang pribilehiyo, hindi ito isang karapatan. Bukod sa dunong sa pagmamaneho, ang lahat ay kailangang ayusin ang pag-uugali sa pagmamaneho at habaan ang pasensiya,” ang sinabi ng Pangulo.
Nanawagan naman si Pangulong Marcos sa mga bystanders o eye witnesses na tumulong na pahupain ang tensyon sa halip na i-record ang insidente.
“‘Yung ibang tao din sa paligid, umawat tayo imbes na mag-video. Ituring natin na meron tayong tungkulin na panatilihin ang kapayapaan sa paligid natin,” ang tinuran ng Pangulo.
Nanawagan din ang Pangulo sa publiko na manatiling kalmado at disiplinado, yakapin ang ‘culture of patience’ at paggalang sa nakaka-stress na traffic situations.
“Ang lahat ay napag-uusapan nang maayos at malumanay,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
“Pasensiya na lang, palampasin niyo na lang. Ano naman ang mawawala sa atin? One second, five seconds, 20 seconds. Pagbigyan na natin at huwag nang patulan,” ani Pangulong Marcos. Kris Jose