A Buddhist monastery building that has collapsed is seen following an earthquake in Naypyitaw, Myanmar Sunday, March 30, 2025. (AP Photo/Aung Shine Oo)
MANILA, Philippines – NAGPAABOT ng pasasalamat ang Malakanyang sa Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) para sa pagtupad ng kanilang misyon ng halos dalawang linggo matapos ideploy ang mga ito sa earthquake-hit Myanmar para magbigay ng tulong.
Nagpahayag ng pagkalugod si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang sa 89-man team na balik-Pinas, Linggo ng gabi mula Myanmar matapos wasakin ng magnitude 7.7 earthquake noong nakaraang buwan.
“Nagkaro’n po ito ng commendation at sila talaga ay pinarangalan dahil sa kanilang napakatapang na pagsagupa dito sa kanilang obligasyon at duty,” ang sinabi ni Castro.
“Kaya ang lahat na nanggaling at tumulong sa Myanmar, kayo ay aming pinapapasalamatan. Kapuri-puri ang inyong mga ginawa,”ang winika pa rin nito.
Kabilang sa mga miyembro ng PIAHC ay mula sa Office of Civil Defense (OCD), Philippine Air Force, Philippine Army, Department of Health – Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT), Metropolitan Manila Development Authority, Bureau of Fire Protection, Department of Environment and Natural Resources Emergency Response Team, Energy Development Corporation, at Apex Mining Co., Inc.
Ang first batch ng contingent ay umalis ng bansa noong Abril 1 patungong Myanmar, habang ang second batch ay kagyat na umalis nang sumunod na araw (Abril 2).
Inatasan ang mga ito na magbigay ng disaster response at humanitarian assistance sa Myanmar na tyinamaan ng magnitude 7.7 earthquake noong Marso 28.
Samantala, mahigit sa 3,000 katao ang napaulat na nasawi sa napakalakas na lindol, kabilang na ang dalawang pinoy. May dalawa pang pinoy ang nananatiling pinaghahanap sa ngayon. Kris Jose