MANILA, Philippines – Tinatayang mahigit P150K halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug suspects matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, Sabado ng tanghali.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong mga suspek na sina alyas “Boss”, 25, at alyas “Alnor”, 31, factory worker, kapwa residente ng Brgy., 188.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni alyas Boss.
Nang magawa umanong makipagtransaksyon kay alyas Boss ng isa sa mga operatiba ng SDEU, ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.
Nang tanggapin umano ni alyas Boss ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu, agad siyang dinamba ng mga operatiba ng SDEU dakong alas11:56 ng tanghali sa King Solomon St., Brgy 188, kasama ang umano’y parokyano nito na si alyas Alnor.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 22.13 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P150,484.00, buy bust money na binubuo ng sampung 1,000 boodle money at isang tunay na P500 bill, at P500 cash.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Merly Duero)