Inaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 153 katao dahil sa mga kaso ng cybercrime nitong Abril.
Kabilang dito ang 14 pekeng dentista na nasakote sa mga entrapment operation na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Dental Association.
Nasa 11 menor de edad din ang nasagip mula sa online sexual abuse at human trafficking sa kabuuang 159 operasyon.
Isa sa mga nahuli ay isang 25-anyos na lalaki sa Cotabato City na nagkakabit ng braces sa isang pulis na nagpanggap na pasyente.
Ayon kay ACG Director Brig. Gen. Bernard Yang, wala itong pormal na training sa dentistry at natuto lamang online. Binalaan niya ang publiko laban sa mga serbisyong dental mula sa hindi lisensyadong indibidwal dahil sa panganib sa kalusugan at pananalapi. RNT