Congresswoman Camille Villar kasama si dating Senate President Manny Villar at Senator Mark Villar na naghain na Certificate of Candidacy bilang Senador sa partidong Nationalista Party. CESAR MORALES
Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang kasong vote-buying laban kay senatorial candidate Camille Villar dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Sa isang resolusyon na nilagdaan ni Committee on Kontra Bigay vice-chair Teofisto Elnas Jr. noong Mayo 7, sinabi ng Comelec na naipaliwanag nang maayos ng kampo ni Villar ang mga pangyayari sa umano’y insidente sa Cavite.
“Upon evaluation of the evidence gathered, the undersigned deems the same insufficient to proceed to the filing of a complaint for election offense and/or a petition for disqualification,” ani Elnas.
Malugod na tinanggap ni Villar ang desisyon at iginiit ang kanyang malinis na kampanya.
Ang reklamo ay mula sa isang anonymous na post sa social media noong Pebrero 12, na tumutukoy sa isang event na naganap noong Pebrero 9—bago pa magsimula ang opisyal na campaign period.
Nagbigay rin ang kampo ni Villar ng ilang affidavits para patunayan ang kanilang panig.