
NAGSANIB puwersa ang PAG-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), at Social Housing Finance Corporation (SHFC), para sa pagtatayo ng halos 8,000 housing units sa mga pangunahing lungsod sa ilalim ng programang “Pambansang Pabahay para sa Pilipino” o 4PH.
Nilagdaan ang kasunduan kasabay ng paggunita sa Araw ng Manggagawa bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa adbokasiya ng pamahalaan na mapabuti ang buhay ng bawat pamilyang Filipino.
Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang Pag-IBIG Fund ng pondo para sa konstruksyon ng mga pabahay na pamumunuan ng NHA at SHFC sa mga piling lokasyon sa Valenzuela city, San Fernando City sa Pampanga, Davao City, at sa Maynila.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) secretary Jose Rizalino Acuzar, na siya ring chairman ng 11-member board ng Pag-IBIG Fund, patuloy ang matibay na pagtutulungan ng shelter agencies upang makamit ang layunin ng 4PH na magbigay ng abot-kaya at disenteng tirahan para sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Ayon sa kalihim, inilatag nila ang pundasyon para sa katuparan ng direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na tuldukan ang housing backlog ng bansa, at buo ang pagkakaisa ng mga ahensya sa sektor ng pabahay upang matiyak na may maayos na tirahan ang bawat pamilyang Filipino.
Kabilang sa mga proyektong pabahay ang medium-rise condominium na may 372 units sa Valenzuela City sa pamamagitan ng NHA, at ang mid- at high-rise developments ng SHFC gaya ng 3,440 units sa San Fernando City, Pampanga; 1,200 units sa Calinan district, Davao City; 2,135 units sa Tondo, Maynila; at 425 units sa Sta. Mesa, Maynila.
Manggagaling ang pondo para sa lahat na nabanggit mula sa Direct Developmental Loan Program ng Pag-IBIG Fund, isang espesyal na loan facility na idinisenyo para suportahan ang 4PH Program.
Ipinaabot naman ni Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene C. Acosta ang buong suporta ng kanilang ahensya sa adyenda sa pabahay ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay CEO Acosta, ito ay patunay sa walang humpay na pagtupad sa pangakong iaangat ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawang Filipino sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ligtas, disenteng, at abot-kayang pabahay.
Maliban sa pondo para sa konstruksyon, mag-aalok din ang Pag-IBIG Fund ng end-user housing loans na may abot-kayang kondisyon para sa mga kwalipikadong benepisyaryo, alinsunod sa panuntunan ng 4PH.