
SA darating na buwan ng Hulyo, hindi malayong matuloy na ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa inihaing pitong articles of impeachment laban sa kanya ng Kamara, anim dito ang kinabibilangan ng mabibigat na alegasyon tulad ng paggastos sa P125 milyong Confidential and Intelligence Fund.
Pero bakit ang nasilip lang nang husto ay ang P125 milyong paggastos ng CIF ni VP Sara sa loob ng 11 araw ng mga mambabatas at maging ng media? Bakit hindi nasilip ang paggastos ni Makati City Mayor Abby Binay ng kabuuang P480 milyong CIF mula noong 2022 at 2023 na kumatawan sa P240 milyon kada taong gastos?
Bakit hindi siya sumailalim sa pagsisiyasat?
Kung tutuusin, hamak na mas malaki ang ginastos na CIF ni Binay kaysa kay VP Sara noong ang huli ay kalihim ng Department of Education kung saan ang CIF niya ay P150 milyon.
Hamak na malaki ang populasyon ng DepEd na 27 milyong estudyante at guro dahil sakop nito ay buong Pilipinas habang ang populasyon ng Makati City ay 700,00 at maituturing na financial center ang lungsod dahil may 60 embahada na naririto.
Kung sabagay, noong alkalde pa si VP Sara sa Davao, naglaan din siya ng P460 million CIF noong 2022, ang pinakamataas na inilaan ng isang alkalde sa buong bansa pero kalaunan ay ginisa na rin siya dahil dito, hindi tulad ni Mayor Binay na hindi nakaranas ng naranasan ni VP Inday Sara.
Pero kahit si Inday Sara ang alkalde sa buong bansa na may pinakamalaking CIF, napanatili naman ng Davao City ang kategorya na pinakaligtas na lugar na pwedeng tirahan, hindi lang sa buong Pilipinas kundi maging sa Asya kung ikukumpara sa Makati City na may mataas pa ring insidente ng krimen. Hindi ba tila may kakulangan sa transparency?
Sabagay, iba ang tinitingnan sa tinititigan. Si Duterte ay nahaharap sa impeachment habang si Binay na tumatakbong senador ay kinupkop ng administrasyon at isinama sa tiket ng Bagong Alyansa.
Gayunman, dapat pantay ang trato sa dalawang babaeng opisyal ng pamahalaan. Lahat pantay-pantay kaya dapat, imbestigahan din si Binay.