
INAKUSAHAN ang alkalde ng Cagayan De Oro City na si Mayor Clarex Uy nang pagkuha ng P1 bilyong cash advances sa kaban ng bayan.
Ang akusasyon ay mula sa kanyang dating city administrator na si Teddy Sabugaa na nagsabing sobrang laki ng halagang kinuha ni Uy sa kanilang siyudad.
Sa pulong balitaan na pinangunahan ni Sabugaa, ibinunyag ng dating administrador ng CDO City na ilang maliliit na grupo ng mga indibidwal ang ginamit ng city hall para makapaglabas ng mga kwestiyonableng cash advances mula sa public funds na may mga dokumento na nagpapakita ng ebidensya na direktang nagtuturo na sangkot si Mayor Rolando “Clarex” Uy.
Ayon pa kay Sabugaa, ang kanilang alkalde ay tumanggap ng P694.6 million cash advances mula Hulyo 2022 hanggang Marso 2025.
Pero ang kabuuang cash advances ng kanilang lungsod ay umabot sa P1 bilyon sa ilalim ng administrasyon ni Uy.
“The use of public funds for personal and political advantage is a gross abuse of power—and a betrayal of the public trust. The people of Cagayan de Oro deserve to know the truth, and those responsible must be held accountable,” ayon sa dating city administrator.
Kaya naman ang mga residente ng nasabing lungsod ay nagkakaisa upang magharap ng reklamo sa Department of Interior and Local Government o kaya naman ay sa Office of the Ombudsman.
Bukod pa ito sa nananawagan ang mga taga CDO City sa Commission on Audit na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa paglulustay ng pera ng lungsod ni Uy.
Sinasabi ni Sabugaa na ang ilang cash advances sa city government ng kanilang alkalde ay nagamit umano pagbabayad sa mga botante kapalit ng suporta sa kanyang anak na kumandidato sa barangay position.
Giit pa ng dating administrador, karapatan ng kanilang mamamayan na malaman ang katotohanan at maparusahan ang may kasalanan.
Mahaba ang talaan ni Sabugaa ng cash advances ni Uy na maging ang kampanya laban sa droga ay nagamit.
Totoong nakalulula ang laki ng halagang pinag-uusapan sa cash advances ng local government unit ng CDO City pero bakit kapag sinuring mabuti, marami pa rin ang naghihirap sa lugar.
“Nakalulungkot isipin na napakalaki at napakarami ng pondo sa ating bansa subalit hindi napupunta sa tamang gamit,” pahayag pa ni Sabugaa.
“Nauubos ang pera pero walang matibay na mga proyekto lalo na may kinalaman sa pag-ahon sa kahirapan nating mga Pilipino.”
Ang masaklap, dagdag ng whistle-blower, maraming mga sabungan ang naitayo sa halip na pagkakakitaan ng mga tao sa kani-kanilang mga lugar. Dapat ituro ay pagkita ng pera at hindi bisyo.